Thursday, July 20, 2006

Away-Bati;Away-Bata

John: Ate, jolens tayo.
Rej: Ayoko, ikaw na lang.
John: Sige na.
Rej: Cards na lang.
John: O sige.

Nagsimula ang laro. Parehong masaya. Hanggang sa…
Rej: Ano yan? Dinadaya mo ko!
John: O sige, hindi na.
Rej: Ay ayoko na. Dinadaya mo ko! (kukunot ang noo)
John: E di wag! (aalis ng padabog)

Iyan ang isa sa karaniwang ritwal naming magkapatid kapag pareho kaming nababagot o hindi na sya makapaglaro sa labas dahil lumubog na ang araw at lumutang na ang buwan pati ang mga tala. Sa simula mukhang nagkakasiyahan. Maya-maya ay maririnig mo na ang boses ko sa labas ng dahil sa inis. Bakit? Dahil dinadaya ako ng isang bata.

Minsan tinatanong ko ang sarili ko “Ilan taon na ba ko?” Madalas kong nakakalimutan ang aking edad kapag sya ang kasama ko. Pakiramadam ko kasi magkasing gulang lang kami. Kapag naiinis na ako sa kanya saka na lang ako natatauhan.bente dos na pala ako, isang buwan na lang bente tres na. Ang bilis talaga ng panahon. Hindi ko nga namalayan eh. Dahil ba nandyan sya o sadyang nagiging ulyanin lang?

Sa tuwing nagbabangayan kami parang meron akong ibang nararamdaman maliban sa pagkalam ng dugo dulot ng sobrang inis o galit sa kanya. Sa totoo lang, nagiguilty din ako. Bakit ko ba pinapatulan ang batang to? Excuse me, hindi kami magkalevel! Syempre, labindalawang taon lang kaya ang agwat namin! Nakakahiya man aminin pero minsan hindi talaga maiwasang pumatol sa bata lalo na kung pakiramdam mo ay bata ka rin.

Sa huli, isa sa amin ang humihingi ng tawad. Minsan depende kung sino ang may mas mabigat na kasalanan. Pero madalas wala akong choice. O sige na nga, mas bata naman s’ya eh.

Ewan ko kung maituturing na weirdo ang pakikitungo ko sa kanya. Basta ang alam ko hindi kumpleto ang pagiging magkapatid namin kung walang away-bati; walang away-bata.

Oops! May sense ba tong ginawa ko? Obviously, wala! Bata nga eh.

0 Speak:

Popular Posts

Archive