Sunday, July 16, 2006

Esep Esep

Monchito.
Evangeline.
Rolando.
Vilma.
Geraldo.
Imelda.
Reynaldo.
Ronnie.

Mang Ruding: (Galing sa trabaho) Nasaan ang mga bata?
Aling Justa: Mga anak, magsipasok na kayo. Nandito na ang tatay nyo, may dalang pasalubong.

Sa Sociology, ang pamilya ay isang napakahalahang bahagi ng lipunan. Binubuo ng tatay, nanay at anak o mga anak. Sa ngayon, maituturing ang patuloy na paglobo ng populasyon bilang isang sanhi ng kahirapan. Ang Metro Manila ay isang malaking larawang makapagpapatunay nito. At sitwasyong katulad nito:

Misis: Hoy! Bumangon ka na nga dyan. Maghanap ka na ng trabaho. Wala na naman tayong pambili ng bigas. Wala na ring gatas si Junior. Saan tayo kukuha ng pamasahe ng mga anak mo? Yung panganay mo humihingi pa ng pambili ng project. Sinisingil na rin tayo ni Lourdes sa mga alak at sigarilyong inutang mo. *&^%$# !$%$# buhay ‘to!
Narininig ng mga tsismoso't tsismosang kapitbahay ang sinabi ni misis.
Aleng Baby: *&^%$# !$% rin! Bakit kasi ang dami nyong anak?! Sinunod-sunod nyo pa wala naman kayong mga trabaho.
Manang Purificacion: Hay naku! Balita ko nga masusundan na yung bunso nila.
Mang Dado: Talaga? Ang tulis talaga ni pare. Balak pa yatang magtayo ng basketball team.

Masaya ang magkaroon ng malaking pamilya. Pero paano kung asin na lang ang nakahain sa hapag kainan, masaya pa rin kaya? Iiwan ko na lang ang tanong na ito sa inyo. Iba-iba rin kasi ang mga dahilan kaya nangyayari ang ganitong sitwasyon. Kung susubukan ko pang himayin, baka maputi na ang buhok ni Tolits, hindi pa ako tapos.

Oops! Itatanong mo sa akin kung saan ko nakuha ang mga pangalang ginamit ko sa simula at ano ba ang kahalagahan nila sa sanaysay na ito?

Sila ay hango sa isang tunay na pamilya - malaking pamilya ngunit kailanma’y hindi naranasan ang sitwasyong nabanggit. Hindi rin sila mayaman ngunit nagsumikap ang mga magulang upang magkaroon nang magandang buhay ang mga anak. Bilang ganti, ang mga anak ay naging mabuting magulang din sa mga naging anak.

Pinatutunayan lamang nito na hindi sa lahat ng panahon parating magkasama ang malaking pamilya at salitang kahirapan. Gets mo?

Esep esep.

0 Speak:

Popular Posts

Archive